Friday, June 17, 2016

PAANO BA MAGLUTO NG ADOBO?

Manok, baboy, sitaw, kangkong, pusit, at okra— ilan lamang ‘yan sa mga pinaka-kilalang klase ng isa sa mga itinuturing na pambansang pagkain sa Pilipinas— ang adobo. Dahil sa angking sarap na taglay nito, marami ang nagtatanong kung paano nga ba ito niluluto. Simple lamang. Kakailanganin mo lang ng isa sa mga nabanggit na sahog sa itaas at dagdagan ng ilan pang mga sangkap upang maging mas malasa at malinamnam.

Ngunit para makagawa ng isang masarap na putahe, hindi lamang magagandang klase ng rekado ang kailangan. Importante rin ang taga-lutong may puso sa kanyang ginagawa. Tulad ng isang relasyon, hindi maaaring isa lang. Kailangan dalawa kayong nagtutulungan.

Ngayon, halimbawa ay gagawa tayo ng isa sa mga paborito ng mga Pilipino— ang adobong baboy. Para sa unang hakbang, paghaluin ang bawang, karne, toyo, paminta at dahon ng laurel. Hayaan muna itong nakababad ng kalahating oras. Ilagay sila sa kawali na may mahinang apoy upang lumambot ang karne. Dagdagan pa ng tubig kung kinakailangan. Apatnapung minuto ang hihintayin bago ihalo ang suka at panibagong sampung minuto uli hanggang sa ito’y kumulo.

Katulad ng mga sangkap na nabanggit, ang pagkakaroon ng isang matatag na samahan ay nangangailangan ng panahon at pagdaan sa iba’t ibang karanasan. Nariyan ang mga sandaling kagaya ng paminta na magpapa-anghang sa pagsasama. Nariyan din ang maasim na suka na maihahalintulad sa mga pangyayaring nagdadagdag ng sabik sa mga kaganapan sa buhay niyong dalawa.

Matapos ang mga hakbang na iyan, maaari nang magdagdag ng asin at asukal nang naaayon sa iyong panlasa. Ngayong kumulo na ang pinagsama-samang sangkap, hanguin muna mula sa sabaw ang karne at ito ay iprito sa kawali hanggang magkulay-kayumanggi. Pagkatapos ay maaari na uli itong ihalo sa sabaw at pakuluan ng isang minuto. Kapag nakita at nalanghap mo na ang mabangong ulam na ito ay maaari na itong ihain sa hapag kainan.

Ngunit tulad ng dalawang sangkap na nabanggit sa itaas, hindi mabubuo ang isang magandang relasyon kung walang maalat at matamis na mga alaala. Hindi pwedeng laging masaya. Hindi pwedeng laging perpekto ang pagsasama. Kailangan ding dumaan sa mga mapapait na karanasan at problema upang mas tumatag ang dalawang taong nagmamahalan. Dito kasi masusubok kung gaano nila pinapahalagahan ang bawat isa at kung gaano sila ka-determinadong patagalin ang relasyong binuo nilang magkasama.

Simple lang naman ang paggawa ng adobo.  Ang mga sangkap na nabanggit sa itaas ay maaaring madagdagan o mabawasan. Kahit nga ang estilo ng pagluluto nito ay maaaring magbago. Mula rito, makikita natin na hindi lamang sahog o proseso ang importante. Binibigyang halaga rin ang kagustuhan ng isang taong makalikha isang masarap na putahe. Tinitignan dito ang puso na nilalagay niya sa pagluluto. Katulad lang nito ang pagkakaroon ng relasyon. Bukod sa oras, karanasan, kaligayahan at kalungkutan, dapat na isinasaalang-alang din ang kagustuhan ng dalawang tao na talagang magsama. Importante ang dedikasyon sa pagpapalago ng relasyon at sa pagtupad ng pangako sa isa’t isa na magsasama sa hirap man o sa ginhawa.

0 comments:

Post a Comment

 

ENVISAGING POSSIBILITIES Copyright © 2012 Design by Antonia Sundrani Vinte e poucos